Oras ng Trabaho

May magsasakang nagtatanim sa kanyang palayan. Nag-iisa na siya sa bukid dahil late na siyang nagising at nakapagtanim dala ng kalasingan kagabi. Sa tabi ng palayan may masukal na gubat na bihira lang puntahan ng mga tao. Nagliparan bigla ang mga ibon galing sa gubat papunta sa direksyon ng magsasaka at palayo. Inobserbahan nya ang mga ito, mukhang may tinatakasan sila sa gubat.

Hinayaan na niya iyon at tinuloy ang pagtatanim. Di nya napansin na may insektong galing sa gubat na lumangoy papunta sa kinatatayuan niyang palayan. Nang itutusok na ng lalaki ang palay sa matubig na palayan, bigla na lang may bumaon na matulis na ngipin sa daliri nya.

"ARAY!"

Naisip agad nya na may ahas sa ilalim ng tubig kaya napaatras at napaahon sya ng palayan, dumudugo ang daliri nya. Umuwi agad sya at humingi ng tulong sa mga kalapit na bahay:

"Tulong! Natuklaw ako ng ahas, tulungan nyo ho ako!"

Tumawag naman agad ang mga kapitbahay nito ng albularyo. Pag dating ng albularyo, nangingitim na ang mga ugat at namamaga na ang braso ng lalaki, malinaw na ito ay dinadaluyan ng lason o kamandag. Hinanda agad ng albularyo yung mga gamit nya para magamot ang lalake at ginawa ang lahat para mailigtas ito, pero sa kasamaang palad, binawian parin ng buhay ang lalake.

Paglipas ng ilang minuto, nagmalasakit ang albularyo na sya na ang mag-aayos ng bangkay ng lalaki. Habang dahan dahang binabalot ng albularyo sa kumot ang bangkay, parang gumalaw yung mata nito. Inobserbahang mabuti ng albularyo, tapos dahan dahan niyang nilapit yung tenga sa bibig ng bangkay para mapakinggan kung humihinga paba ito.

Biglang kinagat sa mukha ang albularyo.

Nagpupumiglas at namimilipit sa sakit ang albularyo, Pinigilan naman agad ng mga tao ang magsasaka na mukhang wala na sa sarili. Duguan ang bibig sa pagkagat sa albularyo, halata din na nangingitim na ang puti ng mga mata nito.

Iginapos agad ng mga tao ang nagwawalang magsasaka. Unti-unting nanghina at nawalan ng malay yung albularyo, hanggang sa binawian din ito ng buhay. Naisip nila na igapos din yung albularyo at ibalot sa kumot sa takot na baka may nakakahawang sakit ang lalaki at baka naipasa din to sa albularyo.

Maya-maya ay nagkatotoo nga ang hinala nila, nagkaroon ulit ng ulirat ang albularyo, pero hindi na ito katulad ng dati. Nagaamok at wala narin ito sa sarili, katulad ng lalaking magsasaka. Pagkatapos ng maraming diskusyon, napagkasunduan ng mga taga baryo na mas ligtas at mas makatao kung tatapusin na nila ang paghihirap ng dalawang ito. Kumuha sila ng itak at sinaksak sa dibdib ng dalawang nagwawalang lalaki.

Parang walang naramdaman na sakit ang dalawa, lalo pa ngang nagwala ang mga to. Inulit ulit nilang saksakin ang katawan ng mga ito pero parang hindi sila tumitigil sa pagwawala. Kumuha ng piko ang ilan sa mga taga baryo, tapos pinalo sa ulo ng dalawang nagwawalang lalake. Dun lang natigil ang mga ito.

Tumawag ng doktor sa kalapit na bayan ang mga tao sa takot na baka may nakakahawang sakit ang dalawa, kasama narin dito ang pagtawag sa mga awtoridad para maireport ang mga pangyayari. Nang dumating ang doktor, naobserbahan nya agad na hindi ito normal at inutusan na dalhin sa laboratoryo ng ospital sa Maynila ang dalawang ito.

Sa Maynila

Sa laboratoryo ng Multimedic Hospital of the Philippines, dito dinala at inaral ng mga doktor ang problema at naging sakit ng dalawang bangkay. Nang gabi ding iyon, may isang doktor na patuloy parin sa trabaho. Sa puyat at pagod nya, aksidente niyang nasagi yung isa sa mga test tube na may lamang blood sample na galing sa mga bangkay. Nabasag at kumalat ang laman nito sa sahig.

Kumuha siya ng pamalit na test tube at petri dish para ipunin ang natapon na blood sample, hindi na nya naisip na magsuot ng gloves dahil sa pagod at dahil narin sa biglaang pangyayari. Habang kinokolekta nya ang blood sample, nahawakan ng kamay nya ang dugo at naalala na na-kalmot nga pala sya ng alagang pusa nung isang araw habag nilalaro nya iyon. Sa panic nya, na out of balance at nadulas sya at naitukod nya ang kabilang kamay sa basag na test tube na may dugo ng bangkay.

— • —

Nagiikot sa buong ospital yung night shift guard, huli niyang iniinspect palagi ang laboratory dahil wala naman talagang nakakapasok dito kundi mga doktor lang din naman. Nakapatay na ang mga ilaw sa mga kwarto ng laboratoryo bukod sa ilaw ng kwarto sa bandang dulo ng corridor. Nilapitan ito ng guard at nakitang may nakasuot pa ng lab coat na nakatayo sa loob ng kwarto.

Hindi na kakaiba sa guard na makakita ng mga doktor na nagtatrabaho ng sobrang late kung kaya't hindi sya nagulat sa nakitang ito. Binuksan nya ang pinto at binati ang nakatalikod na doktor.

"Mukang puyatan nanaman tayo dok ah hehe"

Pabirong sabi ng guard, pero parang hindi sya narinig nito at nakatayo lang.

"Nakatulog kana yata ng nakatayo dok, baka matumba ka nyan" dagdag pa ng guard.

Nang hindi talaga siya pinansin ng doktor, dahan-dahan niya itong nilapitan, hinawakan nya sa balikat ang doktor. Bigla siyang kinagat sa kamay.

— • —

Madaling araw nang dumating ang isang doktor sa ospital na kilala sa pagiging arogante sa mga kasamahan at mga nurse, palibhasa matagal na siya doon at kaibigan pa nya yung may-ari ng ospital. Ito na ang last day nya sa pagiging doktor at magreretire na sya kaya naman naisip nya na pumunta ng maaga sa ospital para makapagligpit ng natitirang gamit nya.

Pag pasok nya sa ospital, wala ang guard na karaniwang nagbabantay dito sa mga ganitong oras.

"Putang inang guwardiya yan baka natutulog nanaman yan kung saan saan tamad talaga yung hayop na yon kaya walang narating sa buhay eh." galit na sabi ng aroganteng doktor.

Naglakad pa ang doktor sa ospital, at sa dulo ng isang corridor nakita nya ang guard. Nakatayo lang ito at nakaharap sa isang pintuan. Mejo madilim kaya hindi nya makita kung may kasama ba ito pero alam na alam nya na yung guard ito dahil sa suot na damit at sa kalansing ng mga susi na nakasabit sa belt nito.

"Hoy batugan nanjan ka pala, bat hindi ka nagbabantay dun sa pwesto mo, tatayo tayo ka lang jan gusto mo bang ma sisante?" sabi ng doktor.

Hindi sya pinansin ng guard at tuloy lang sa pagtayo na parang inuuntog ang ulo nito sa pinto habang ang mga susi sa baywang nito ay patuloy sa pagkalansing.

"HOY, KINAKAUSAP KITANG BOBO KA PARA KANG WALANG NARINIG AH!!"

Galit na galit na nilapitan ng doktor ang guwardiya, ng malapit na ito, napansin niyang may kakaiba sa ikinikilos ng guwardiya. Tuloy nitong inuuntog ang ulo sa nakabukas na pintuan ng laboratory. Nilapitan pa ng doktor ang guard, sinabi ng doktor:

"Anong problema mo baki-- ARAYY!"

Kinagat ng naunang doktor sa batok ang aroganteng doktor. Sa ingay ng mga susi ng guard, hindi napansin ng aroganteng doktor ang paglabas ng infected na doktor sa isang pinto at nasa likod na pala nya. Humarap ang guard sa kanila at kinagat sa mukha ang aroganteng doktor.

— • —

Umaga na nang dumating ang isang nurse sa ospital. Habang nag se-cellphone, binuksan ng nurse ang pintuan ng ospital at bigla siyang sinugod ng tatlong duguang mga halimaw at paulit ulit siyang kinagat sa leeg at katawan.

Napakabilis ng mga pangyayari. Nakalabas ang mga ito sa ospital at nangagat pa ng mga tao sa paligid. Ang iba ay litong lito sa nangyayari ang iba naman ay nagtakbuhan sa takot at gulat. Ang mga naiwan na nalito sa mga nangyayari, nakagat din ng mga naunang naimpeksyon.

Walang nakapaghanda. Walang nakapag warning.

32nd floor

Sa isa sa pinakamataas na building sa Pasig City nagtatrabaho si Jaz. Isang masipag na office worker ng isang malaking accounting firm. Sa 32nd floor ang opisina at tanaw ang kalungsuran sa office window nya. Habang nasa computer nya ay napansin niya sa kanyang bintana na mukhang nagkukumpulan na ang mga sasakyan sa mga kalsada sa ibaba.

"hayy.. ang aga nag traffic, late nanaman ako makakauwi nito..." bulong nya sa sarili.

Sa di kalayuang street ilang building mula sa office ni Jaz, may mga taong nagtatakbuhan papunta sa direksyon ng kanyang pinagtatrabahuhan. Napatigil siya sa kanyang ginagawa at napaisip kung ano ang meron doon.

"Ano kaya yun, may fiesta ba?" tanong ni Jaz kay Gianne, ka-opisina at kaibigan nya.

"Hindi naman dumadaan dito sa Ortigas yung parada pag araw ng Pasig.." sagot ni Gianne.

Inobserbahan ng dalawang magkaibigan ang mga tao sa baba. Nagtayuan din ang mga kaopisina nila at nagtinginan sa glass window ng opisina ng makitang parang busyng-busy ang dalawa mag marites.

"Uyy angdaming tao! Anung meron?" sabi ng isa sa kasamahan nila.

"ewan ko parang may banggan yata pero angdami din naglalakad yung iba parang nagmamadali nga eh" sagot ni Gianne.

"Parang nagtatakbuhan sila ah, yun oh yung mga nandun sa malayo. Hindi ba?" napansin ni Jaz.

"OO NGA NOH!!" sabay na sagot ng magkakaopisina.

"May Emergency yata!"

Bumukas ang elevator sa level ng opisina ni Jaz, nagmamadaling tumakbo papasok ng opisina ang isa nilang kasamahan. Mabilis na naghanap ng pangharang sa pintuan ng opisina ang katrabaho nila at kitang kita ang takot sa mukha nito.

"KAILANGAN NATIN I-LOCK LAHAT NG ENTRANCE!!! I-LOCK NYO ISARADO NYO LAHAT BILISAN NYO!!!" takot na takot na sigaw ng kararating lang na katrabaho nila.

"Anung problema, bakit, ano bang nangyare? galing kaba sa baba? bakit ang daming tao?" sabay sabay na tanong ng mga kaopisina nila sa kanya.

MAY MGA ZOMBIE SA KALSADA!!!

Fire Exit

"Zombie? Adik kaba? Kakapanood mo yan ng horror eh!" sabi ni Gianne sa kaopisina.

"Mmmmay... mayy.. may mga nangangagat dun tapos yung mga nakakagat nila... nagiging katulad din nila.. maniwala kayo!" paiyak na sinabi ng kaopisina nilang galing sa baba.

Dumidilim na ang langit, malapit nang sumapit ang gabi. Namatay bigla ang mga computer at mga ilaw sa opisina nila.. at nabigla ang lahat.

"Don't worry guys, in a few seconds aandar yung backup generator, then we will proceed to the emergency exit, okay?" kalmadong sinabi ng manager nila sa mga empleyado.

"It looks like may emergency so we will be going to the grounds para mag wait ng further instructions from the authorities." dagdag pa ng manager nila.

"WAG SIR!! HUWAG!! WAG KAYONG BABABA, MAMAMATAY KAYO PAG BUMABA KAYO!!" sagot ng kaopisina nilang kanina pa nagpapanic.

"Look man, I know something's going on pero di tayo pwede mag stay dito if there is an emergency, that is the protocol. Need natin bumaba sa grounds which is safer."ani Manager.

"MAMAMATAY TAYO PAG BUMABA TAYO!!" sigaw ng kaopisina

"STOP IT! I will report you sa Human Resources, you are threatening everyone here." - Manager.

"SIR MAAWA NA KAYO PAKINGGAN NYO PO AKO HINDI KO KAYO TINATAKOT, MAMAMATAY TALAGA TAYO SA BABA!" umiiyak na sagot ng kaopisina.

Nag on na ang mga ilaw.

"We're done, sa HR kana lang magpaliwanag. Okay everyone, just bring your essentials, your phone, and then let's go. Fire exit tayo and wag mag use ng elevator." listong sinabi ng Manager.

Nag sunuran ang mga kaopisina nila sa manager nila.

— • —

Sa Fire Exit, dahan dahang bumababa ang mga empleyado mula sa 32nd floor. Eight floors pa lamang ay pagod at naiinis na ang mga ito dahil angtaas nga naman ng kailangan nilang lakarin. Maya maya pa, may mga narinig silang sigawan na parang galing sa pinakababang floor ng Fire Exit.

Nagtigilan ang mga ito sa paglalakad ang iba ay nagbibiruan at nagtutulakan pa.

"SHHH!! tahimik muna sandali lang, ano kaya yun?" sabi ni Gianne sa mga kasamahan na nagbibiro pa.

"Beh pano kung totoo yung sinasabi ng officemate natin na may mga zombie nga?" kabadong tanong ni Jaz kay Gianne.

Hindi alam ni Gianne ang isasagot pero sinabi nalang niyang "Hindi yan, wala namang ganun" pampalubag loob lang sa kaibigan.

Nagsi-tahimik ang lahat...

...ilang segundo pa ang lumipas..

**AAAARRRGGGGHHHHHHHHH**

Malalakas na sigaw at tunog ang bumungad sa kanila na mukhang galing sa pinakamababang floor. Sa lakas ng mga sigaw ay parang galing ito sa mga taong walang pakialam kahit mapunit ang lalamunan. Nawala na ang kalmado at pabirong mga emosyon ng mga empleyado at unti unti na itong napalitan ng takot, at kaba.

**RRRHHAAAAAAAARRRRGGGHHHHHH**

Mas dumami, mas lumakas at may mga nagsisigawan na na mga tao sa may mabababang floor at rinig na rinig ng mga nasa Fire Exit.

Walang nagsalita, pero kusa at unti unting humakbang paakyat habang nanginginig ang mga binti nila. Dahan dahan silang nagsiakyat, naka tatlong hakbang pa lamang ay bigla nang nagtakbuhan sa takot paakyat ang iba sa kanila. Napa takbo narin ang dalawang magkaibigan kasama ang kanilang mga kaopisina paakyat sa mga hagdan.

Walang nag-usap. Walang nagtanong. Walang nakaaalam kung anong nangyari sa baba. Pero lahat sila, naramdaman na hindi nagsisinungaling yung isang kaopisina nila.

Malakas na kalabog ng isang pintuan ng Fire Exit sa mababang floor ang narinig ng mga empleyado habang nagtatakbuhan paakyat. Mukhang may nakapasok na sa fire exit sa mababang floor at marami at mabibilis na yapak ng paa ang maririnig na umaakyat sa mga hagdan ang bumalot sa buong fire exit.

Sinubukang pumasok ng mga empleyado sa mga pintuan ng floor na nadaanan, pero hindi nila ito mabuksan, para bang itinali na ng mga nasa loob ng floor ang kabila nito. Umakyat pa sila at patuloy na sinusubukan buksan ang mga pinto ng fire exit sa bawat madaanan na floor, hindi parin ito mabuksan.

Pagdating sa 36th floor, nabuksan nila ang pinto ng Fire Exit pero pilit na itong isinasara ng kaopisina nila na siyang nag balita sa kanila ng mga pangyayari sa baba. Nilabanan nila ang paghila nito at nabuksan nila ang pinto. Mukhang opisina ito ng sikat na home improvement store at sporting goods, may mga baseball bats, golf clubs, shortbow at mga kitchenware.

Floor 36

Nang makapasok na lahat, sinarado nila at tinalian ang pintuan, at galit na galit na sinigawan at tinulak ng ibang kasama nila ang lalaking pilit na sinasarado ang pintuan.

"GAGO!! KITA MO NANG PAPASOK KAME SINASARADO MOPA!?" sigaw ng Manager.

"SABI KO SA INYO WAG KAYONG BUMABA PERO DI KAYO NAKINIG SAKEN!" umiiyak na sinabi ng kasamahan

"Tama na yan, wag na tayong mag ingay at baka marinig nilang nandito tayo." sabi ni Gianne sa nga kasamahan

Nagsi tahimik at umupo sa kanya kanyang pwesto ang mga magkakaopisina at hindi nila alam kung anung gagawin. Maya maya pa ay tumunog ang cellphone ng isang kasamahan nila. May message ito:

"'Clarisse nak san ka? may rescue chopper kami, txtback location mo A.S.A.P.'"

Nagpapanic at nanginginig si Clarisse at sinabing nag text ang daddy nito, agad namang pinakalma ni Jaz at Gianne ang kasamahang babae.

"I-reply mo na nandito ka sa office building sa 36th floor." sabi ni Jaz, pero sobrang takot at nginig ni Clarisse kaya tinulungan nalang nila siyang magtype.

"'Office Building 36th floor.'" nireply nila.

Agad namang nakatanggap ng sagot ang mga ito:

"Umakyat kayo sa rooftop, susunduin namin kayo ng chopper." sagot sa kanila.

Nagusap ang mga magkakaopisina at napagkasunduan nilang ang pinaka magandang gawin ay umakyat sa rooftop at maghintay ng rescue. Nagdesisyon ang mga ito kung paano aakyat doon.

"Delikado sa fire exit, mag elevator na tayo, sobrang hirap nyan" sabi ng isang kasamahan nila

"Mas delikado sa elevator dahil hindi mo alam kung kailan mawawalan ng power yan at malock ka sa loob." sagot naman ni Joseph.

Hati ang desisyon ng grupo, kaya naghiwalay na lang ang mga ito. Isang grupo na gagamit ng elevator, isang grupo na gagamit ng fire exit.

"Sige bahala kayo jan sa fire exit, jan na tayo galing kanina alam nyo naman na delikado jan, bahala na kayo." sabi ng manager.

Sinwerte ang dalawang grupo na mapunta sa palapag na ito dahil marami ditong gamit na pwedeng gamitin na pamalo sa kahit sinong gustong kumagat sa kanila. Sagana rin sa mga kumot, unan, at mga bagay na pwede nilang gawing pandagdag proteksyon sa katawan. Naghiwalay na sila pagtapos kumuha ng mga armas, ang iba ay nagpunta sa elevator at pinindot ang button.

Ang grupo naman ni Jaz at Gianne, kasama ang officemate na si Clarisse, dalawang intern ng kabilang company na si Frances at Sam, at si Joseph na isang maintenance crew ay piniling gamitin ang fire exit.

"Anung gagawin natin pag nakaakyat na tayo? wala tayong plano." kabadong tanong ni Sam.

"Yung daddy ko, general sa Army, ipapasundo nya tayo ng helicopter sa rooftop." sagot ni Clarisse dito.

Unti-unti nilang hinintay mawala ang ingay.

— • —

Naglakad sila ng tahimik palabas sa fire exit habang tinitingnan ang baba at taas ng stairs. Paglipas ng dalawang floor level habang paakyat, tumama ang mga susi ni Frances sa handrail. Ang lakas ng tunog nito. Bigla ding narinig ang sigaw ng mga halimaw sa baba.

**RAAAAAAAHHHHHHHHHHHHHRRGGGHHH**

Rinig ang yabag ng paa ng mga ito habang mabilis ang pag akyat ng hagdan, at nagmadali na ding umakyat ang grupo ni Jaz at Gianne. Pare-parehas na silang napapagod kaya naman sinubukan na agad nilang buksan ang pintuan sa floor na natapatan nila, at nakapasok sila dito.

Bagamat nasa mas mataas na floor, mukhang may mga nauna na sa kanila na mga halimaw dito at maririnig ang mga ito sa corridor ng floor na napasukan nila. Agad naman silang pumasok sa pinakamalapit na opisina dito. Walang laman ang opisina kundi mga lamesa at mga cubicle divider lang. Mukhang wala pang naka-upa na kumpanya dito.

Upper Floor

Habang naghihintay ang elevator group na magbukas ang elevator, kabado at takot nilang naririnig ang tunog ng elevator sa bawat floor na dinadaanan nito paakyat. Habang ang manager ay nagpasyang pumwesto sa likod ng grupo.

"Sige ako magbabantay dun sa corner bantay sa door ng fire exit, bantayan niyo yang elevator. Mang Juan, sumama ka saken." Utos ng manager sa janitor.

'33........34........35.......'

Naka abang ang tatlong kalalakihan na si Erik, Boyet, at Rey sa harap ng elevator hawak ang kani kanilang mga pamalo.

Biglang bumukas ang fire exit sa floor nila, rinig na rinig ang mga halimaw na nakapasok na sa corridor kung saan dumaan ang kabilang grupo ilang minuto lamang ang nakalipas. Ang manager nila kasama ang janitor na tila hindi malaman ang gagawin sa corner ng corridor ay tingin ng tingin sa corridor at sa elevator.

**Ting** Bumukas ang elevator door at bumungad sa elevator group ang isang halimaw na nasa loob nito, pero handa sila dito at pinagpapalo ng kanilang mga armas ang mga ito at tagumpay nilang napaslang to. Pumasok agad sila sa loob ng elevator habang hinihintay ang dalawang kasama, naririnig nila ang pagtakbo ng mga zombie galing sa fire exit corridor papalapit sa kanila.

Nakita ng manager at janitor na nakapasok na ang mga kasama sa elevator kaya agad na tumakbo papunta sa elevator ang manager kasabay ang janitor, nakita at hinabol narin sila ng mga ito.

Maliit at mas mabilis ng kaunti si Mang Juan at mas nauuna sya ng ilang hakbang sa manager, biglang pinalo ng manager ng baseball bat ang binti ng janitor at ito ay natumba at namilipit sa sakit habang gulat na gulat sa ginawa ng kasama. Hindi na ito makatayo. Hindi to nakita ng mga kasama nila na nasa loob na ng elevator.

Nakapasok na ng elevator ang manager bago sumarado. May malakas na sigaw na puno ng takot ang narinig sa pagsarado nito.

"WAAAAAAG ---!!!!" huling sigaw ni Mang Juan.

"Nasaan si manong janitor?" tanong ng isang kasama nila.

"...hindi sya naka abot.. nadapa sya.. sinubukan ko siyang tulungan pero natapilok sya at di makatayo..." sagot ng manager habang hingal na hingal ito.

**Sumarado ang pinto ng elevator**

Muntik pang makapasok yung isang zombie.

Narinig ng Fire Exit group ang elevator na unti unting tumutunog sa bawat floor at malapit na ito sa floor nila. Agad silang naghanda at nagtago sa gilid ng pinto ng elevator, handang hatawin sa mukha kung sino man ang lalabas dito na hindi ka nais-nais.

'38........39........40........41........42'

**Ting**

Bumukas ang elevator, muntik nang magpaluan sa mukha ang dalawang grupo, buti na lamang ay nakilala nila ang isa't isa.

"Bakit nandito lang kayo sa 42nd floor?" tanong ng isa sa elevator group.

"Naabutan na kami ng mga zombie, sinarado narin namin yung fire exit dito kaya hindi na tayo makakadaan dun." sabi ni Jaz

"Gamitin nalang natin yang elevator paakyat." sabi ni Gianne.

Biglang nawalan na ulit ng kuryente..

— • —

"Pano na to, pano tayo aakyat?" tanong ng isa sa mga taga elevator group

Makalipas ang ilang tahimik na segundo.

"Pwede tayong dumaan sa air ducts, kasya ang tao dun kung gagapang." Sabi ni Joseph, na isang building maintenance crew.

"Pagdating natin sa may bandang ducts sa dulo ng north wing corridor, bababa tayo dun at pwede nating subukan yung kabilang fire exit sa north wing dahil hindi na tayo pwedeng bumalik sa fire exit ng south wing."

Nagtinginan ang grupo at puno ng pangamba, ngunit mukhang si Joseph lamang ang kasama nila na nakakaalam talaga ng istraktura ng building.

Napag desisyunan ng grupo na sundin ang ideya ni Joseph at dumaan sa air ducts papunta sa kabilang fire exit.

Binuksan nila ang takip sa air ducts at isa-isang umakyat ang grupo.

"Sige, ikaw na mauna dahil ikaw naman nakaisip nyan." sabi ng manager kay Joseph na may tono ng paghihinala.

"Sino susunod sa kanya?" tanong ng manager.

Lahat ay natatakot dahil ibig sabihin, ito ang pangalawang taong bababa sa corridor na maaaraing maraming zombie.

"Ikaw, Clarisse, ikaw nalang sumunod dahil maliit ka at mabilis kang makakakilos" utos ng manager.

Mangiyak ngiyak na at hindi makasagot si Clarisse, halatang sobrang takot nya.

"hhinnn.. hindii ko po kaya sir, sorry sir, hindi ko po kaya, sorry po." mahinhing sagot ni Clarisse habang tumutulo na ang luha nito.

"Ano kaba, mamamatay tayo pag hindi ka sumunod!" galit na binulong ng manager.

Hindi na makasagot si Clarisse.

"Ako nalang. Clarisse, sunod ka sakin ha?" Sagot ni Jaz habang pinakakalma si Clarisse.

"Sige Clarisse, nasa likod mo lang ako, sundan mo lang si Jaz." batid ni Gianne.

Kabado pero pumayag si Clarisse. Isa-isa nang umakyat sa air ducts ang mga ito, Una si Joseph, sunod si Jaz, si Clarisse, Gianne, sumunod ay ang dalawang babaeng intern ng kabilang kumpanya.

Habang umaakyat ang grupo, ay may narinig silang kalabog ng pintuan sa office na kanilang pinsaukan. Nagmadaling umakyat ang mga natitira sa kanila.

"TABE!!" malakas na tinig ng Manager, sabay hila sa kasamang nasa harapan niya. At dali dali siyang umakyat.

Mukhang nakuha ng pagsigaw nito ang atensyon ng mga halimaw na nakapasok sa opisina, mabilis na nagtakbuhan ang mga to sa direksyon ng kwarto kung saan nakalagay ang inaakyatan nilang air ducts. Madali din namang sumunod ang tatlo pang kalalakihan sa likod ng manager.

"TULONG!! TULONNGGGG AAAAAAAAAAAAAHHHH!!" huling sigaw ng lalaking nahuli at nahila ng mga halimaw.

Di nakaligtas ang isa sa kanila.

— • —

Patuloy sa pag gapang ang grupo sa air ducts, masikip at saktong sakto lamang ang katawan nila na nakadapa sa loob nito. Sa bawat pag gapang ay nadadaanan nila ang ibang butas ng air ducts sa ibang kwarto. Makalipas ang ilang minuto, biglang huminto si Clarisse sa pag gapang. Napahinto rin ang mga kasunod nito.

"Bakit tayo tumigil?" pabulong na tanong ng manager sa kung sino man ang makakarinig sa kanya.

Nalilito din ang mga nasa harap nya, at tinanong ni Gianne si Clarisse kung anong problema. Napahinto narin si Jaz at Joseph sa paggapang nang mapansin nila ang nangyayari.

"Anung problema Clarisse?" malumanay na tanong ni Gianne.

"hhhinn... hii... di... dii. ako... makahhii.. hinngaa.. " sambit ni Clarisse habang masikip at malalim ang pilit na paghinga nito.

"Panic attack." mahinang sinabi ni Joseph kay Jaz sapagkat nakita narin niya ito sa ibang kasamahan dati habang nagrerepair sa masisikip na lugar sa building.

"Clarisse, nandito lang kami, hindi ka namin iiwanan, walang mangyayaring masama sayo, huminga ka lang ng dahan dahan." kalmadong sinabi ni Jaz kay Clarisse.

Dahan dahan namang hinilot ni Gianne ang mga paa at binti ni Clarisse dahil ito lamang ang kaya nitong gawin sa sitwasyon nila.

"Kaya mo yan beh wag kang magisip ng kahit ano. Nakakahinga ka, yun lang ang isipin mo." pagpalubag na sinabi ni Gianne.

Ilang segundong pumikit at nagpakalma si Clarisse.

"Ano ba yan? Bakit gumaganyan yan? Naka trap tayo dito tapos gaganyan pa yan?" Galit na ibinulong ng Manager na halatang pinaparinig sa buong grupo.

"Tumahimik ka nga, kanina kapa, kupal kaba?" sinagot ni Frances ang manager. Siya ay ang babaeng intern sa ibang company na nasa likod ni Gianne.

"Oo nga, pabayaan mo muna sya, lahat naman tayo pagod at natatakot." suporta ni Sam na isa pang babaeng intern na nasa harap ng manager.

Huminga ng malalim si Clarisse at mukhang handa na itong kumilos.

"Okay na ako, sorry." hiyang hiya at malumanay na sinabi ni Clarisse kay Jaz at Gianne.

Habang nangyayari ito, napansin ni Sam sa butas ng airducts kung saan sya nakatapat na para bang may naglalakad sa loob ng kwarto. Madilim kaya't hindi nya masyadong makita ito, pero naaaninag nya na may kumikilos doon. Sa di inaasahang pagkabigla nya ay napasinghap sya at para bang nakuha ng tunog na ito ang atensyon ng nasa kwarto.

**raaaaAAAAAAAAAGGHHHHH**

Biglang malakas na tunog ng halimaw ang narinig mula sa kwarto at lumapit ito sa direksyon ng air duct. Nang napalapit na ay naaninang ni Sam ang duguang mukha at naghalong itim na may dugo na mga mata nito. Napansin din sya nito. Nagsunuran din ang iba pang halimaw sa pwestong ito, at inaabot ang air duct. Kitang kita ni Sam ang mga nangyayari sa puntong ito, at nagpanic na sya.

Rinig na rinig ng buong grupo ang pangyayari kung kaya naman ay nagmadali na silang umusad pero napakasikip talaga at napakabagal ng pag usad nila. Nakalampas sa airduct ng kwarto si Sam at paunti unti ay natapat naman ang manager sa butas, kitang kita nya na pilit inaabot ng mga halimaw sa loob ang air duct, ang iba rito ay nadapa at natapakan ng iba pang mga halimaw, at napansin niyang nakakaakyat ang iba sa ibabaw ng mga ito.

"BILISAN NYO PUTANG INA!!" biglang sinigaw ng manager habang nagmamadali at tinutulak ang nasa harap nya na si Sam.

Nang malapit nang makalampas ang paa ng manager sa butas, sa pagmamadali nito, tinamaan nya ng malakas ang takip ng air duct at natanggal ito. Siya namang ikinagulat at takot ng lalaking nakasunod sa kanya na si Boyet, isang messenger sa ibang kumpanya sa building.

Nagmamadaling makalampas si Boyet pero sa sobrang kaba ay nalusot ang paa nya sa butas at nahila ito ng isa sa mga halimaw. Agad siyang kinapitan at pilit hinihila pabalik ni Erik na isa pa nilang kasama na nasa likod ng grupo.

"ERIK PARE TULONG PARE!!.. SIR! TULONG PO SIR!" umiiyak at pagmamakaawa ni boyet kay Erik at sa manager.

Napakapit bigla si boyet sa paa ng manager.

"BITAW, PUTANG INAMO BITAWAN MOKO!" bulyaw ng manager.

"tulong po sir tulong po, parang awa nyo na po may pamilya po ako ARAAAAYY ARAY KOOOO!!!" iyak ni Boyet.

"KUMAPIT KA LANG PARE HINDI KITA BIBITAWAN PARE!" sigaw ni Erik sa kumpare nyang si Boyet.

Sinipa sipa ng manager ang kamay at braso ni Boyet habang hirap na hirap si Erik sa pagtulong upang maiangat ito.

"GAGO ANONG GINAGAWA MO!?" sigaw ni Erik sa manager.

Marami pang halimaw ang kumapit sa binti at baywang ni Boyet, kung kaya't hindi na nakayanan pang labanan ni Erik ang paghila ng mga ito. Nabitawan nya si Boyet.

Napatingin ng ilang segundo si Erik sa kaibigan na pinagpiyestahan na ng mga halimaw, naglaho na ang kaibigan sa bundok ng mga nagwawalang mga halimaw habang nag-aagawan sila sa parte ng katawan ni Boyet.

Tinanggap at madaliang umusad si Erik sa butas habang nakatingin ito ng masama sa manager na nasa harap niya.

— • —

Nakarating sa dulo ng air duct ang grupo, inobserbahan muna ni Joseph kung may mga halimaw sa corridor, maswerte na walang maririnig na halimaw sa tapat ng airduct, ngunit may mahihinang tinig ng mga ito sa mga corridor sa di kalayuan. Dahan-dahang tinanggal ni Joseph ang takip ng air duct, at maingat itong inilapag. Bumaba sya at sumenyas narin kay Jaz na bumaba ng tahimik. Sumunod si Jaz at tinulungan ni Joseph ang mga paa nito makababa, ganun din naman ang ginawa nilang pagtulong kay Clarisse, at sa mga sumunod pa nilang mga kasama. Nung ang manager na ang bababa, nagpahinga at hinihingal na ang mga kababaihan.

"hoy, ano? tulungan nyo ko" pabulong na utos ng manager.

"Unahin mong ilusot yung paa mo, tapos ilambitin mo yung kamay mo hanggang sa makababa ka" turo ni Joseph sa manager.

Sumunod naman ito at natumba pa paglapag niya sa sahig.

Bumaba narin si Erik. Pag babang pag baba ni Erik, kinapitan agad sa kuwelyo sabay tulak ng madiin sa pader at akmang susuntukin sa pagmumuka ang manager.

"Pinatay mo yung kaibigan ko hayop ka." galit na bulong ni Erik.

Halata ang gulat at takot sa muka ng manager at sinabing: "Hindi ko ginusto yon, wala naman akong magagawa, hindi ko kasalanan na nahulog sya." nanginginig na pangangatwiran nito.

Nakatingin lamang ang grupo sa kanila, ngunit naisip na mas ligtas na pigilan na muna si Erik sapagkat baka marinig pa sila ng mga halimaw sa di kalayuan.

Mahinahon na hinawakan ni Joseph si Erik sa balikat, at naintindihan naman agad ni Erik ang sitwasyon. Masama ang tingin ng grupo sa manager ngunit pinakamasama ang tingin ni Erik sa kanya.

North Wing Fire Exit

Dahan-dahang at tahimik na binuksan ni Joseph ang North Wing Fire Exit door. Walang bahid ng sino man ang dumaan dito. Mukhang ligtas pa itong daanan. Umakyat ang grupo habang maingat sa bawat yapak ng paa at pinakikinggan din ang baba at taas na mga palapag ng fire exit.

Paglipas ng 4 na floor, ay may narinig silang bumukas na pintuan ng fire exit na mukhang galing sa dalawa o tatlong floor lamang ang baba mula sa kanila. Isang tinig ng lalaking parang naghahabol ng hininga habang sumusuka ng dugo ang narinig nila rito, sunod na maririnig ang tunog ng mga halimaw na humahabol dito.

Umakyat ng mabilis ang grupo at makalipas pa ang dalawang palapag, narinig pa nila ang tunog ng mga halimaw na mukhang nanggagaling sa mas mataas pa na mga palapag ng fire exit. Pilit nilang binuksan ang pintuan ng fire exit sa floor kung nasaan sila. Nabuksan nila ito.

"Floor 48" mabilisang napansin ng magkakagrupo, habang pumasok sila sa pintuan.

Madilim at mukhang inaayos pa lamang ang palapag na ito, tahimik at dahan dahan ulit silang nag obserba sa mga kwarto. Natatabingan ng mga kurtina ng mangagawa ang mga kwarto at kaunting sinag lang ng araw ang nakakalusot sa mga ito. Pinili nilang pasukin ang pinakamaliwanag na kwarto na mukhang wala namang halimaw at tao.

Inobserbahan at isinarado nila ng mabuti at hinarangan ang pinto ng kwartong napasukan, atsaka nagsi-upo at nagpahinga sa kani-kaniyang pwesto ang mga ito.

Sobrang pagod at takot ang nararamdaman ng bawa't isa kung kaya't walang makapagsalita sa kanila.

**Ting** tumunog ang cellphone ni Clarisse.

'Anak, malapit na ang chopper sa office building nyo, sana ayos kalang anak, kahit hindi ka sumagot, maghihintay ang chopper at mga sundalo ko sa taas.'

Ipinakita ni Clarisse ang message sa mga kasama at agad naman din nagtype ng reply si Clarisse.

'Dad 48th floor po, pero marami nang infected sa upper floors, gagawin naman lahat makaakyat la..' namatay bigla ang cellphone ni Clarisse bago mapindot ang send. Lowbat na ito.

Nadismaya ang grupo sa nangyari at kinapa ang sari sarili nilang cellphone sa bulsa upang yun ang gamitin pang text.

Ang manager lamang ang nakapag dala ng cellphone sa kanila bukod kay Clarisse.

"Aha!, mukang phone ko ang magliligtas satin ah, sabi sa inyo dalhin nyo yung essentials nyo eh." payabang at pabirong sabi ng manager. Walang natutuwa dito.

Proud na ibinigay nito ang cellphone sa mga kasama.

"Ano po yung passcode sir?" tanong ni Jaz sa manager.

Natigilan ng ilang segundo ang manager na parang ayaw sumagot.

"May passcode po yung phone nyo, ano po yung code?" Sunod na sinabi ni Gianne.

"1 2 3 4..." mahinang sagot ng manager.

"Ano po?" tanong ni Clarisse.

"1 2 3 4!" natawa si Joseph at si Erik sa sagot ng manager

"1 2 3 4 yung passcode nyo?" pahabol na tanong ni Frances sa manager, halatang nagpipigil ng tawa ang mga kababaihan.

"Ano ba gagamitin nyo ba yan o hinde?" inis na tanong ng manager.

Itinype naman nila ang password na 1 2 3 4 sa cellphone at bumukas ito.

Nagreply na sila sa numero ng daddy ni Clarisse

'Dad 48th floor po sa last room ng north wing corridor, may mga infected sa upper floors and fire exits. Di namin sigurado kung mayroon din sa ibang rooms dito sa floor na ito.'

Ang One San-Gabriel Building ay isa sa pinakamataas na building sa Lungsod ng Pasig. Itinatayang may 50 palapag ang gusaling ito at may mahigit 20 na kumpanya ang nangungupahan sa mga palapag nito, kasama na rito ang kumpaya nila Jaz, Gianne, Clarisse, Frances, Sam, at iba pa.

— • —

"Kailangan na nating umakyat sa rooftop." anya ni Sam.

"Oo kaso wala nang ibang daan." malungkot na sagot ni Frances.

Tahimik na nagisip ang grupo ng ibang paraan para makaakyat.

Sumilip si Joseph sa glass panel Awning window ng kwarto, nakita nya ang karumal dumal na sinapit ng lungsod. Sa di kalayuan may mga nasusunog na mga sasakyan, at matatanaw din ang mga nagkikilusan at nagtatakbuhan sa mga kalsada at ibang palapag ng mga kalapit na building. Di na malaman kung ang mga nakikita bang nagtatakbuhan na ito ay normal na tao pa o mga infected at mga halimaw na. Masyado na silang pagod para isipin pa ang mga bagay na iyon.

"Elevator shaft." nasabi ni Joseph sa mga kasamahan.

"Ano yon? eh wala ngang kuryente" pangmamaliit na tanong ng manager.

"May guide rails yung elevator shaft, pwede tayong umakyat gamit yon -" sinimulang ipaliwanag ni Joseph sa mga kasama.

At nakinig muli ng mabuti ang mga kasama

"Dalawang floor nalang naman, papasok tayo sa 50th floor, pupunta tayo sa staircase paakyat ng roof access door malapit lang din yun sa elevator, tapos roofdeck na." dagdag pa nito.

"eh bakit dipa tayo dumiretso ng roofdeck gamit yung guide rail ng elevator shaft?" nagmamagaling na tanong ng manager.

"Hanggang 50th floor lang ang elevator ng building, di abot ng roofdeck." sagot naman ni Joseph.

"Salamat, maswerte na nakasama ka namin, alam mo lahat ng pasikot sikot dito sa building." dagdag ni Frances.

"Mabuti alam mo itong mga details na ito sa building, kung hindi baka dina tayo nakausad kanina pa." komportableng nasabi ni Sam

"Sus pano mo naman malalaman yung mga yon eh crew ka lang. Ang sabihin mo nagmamagaling ka dahil may mga babae tayong kasama." tuloy na pangontra ng manager. Napatingin sa kanya ang mga kasama.

"..Company ko ang nakakuha ng contract ng pagdedesign at pagtatayo ng buong building na to." paliwanag ni Joseph

"OH EHH ANO KUNG COMPANY NYO ANG GUMAWA, IKAW BA MISMO ANG NAGPLANO AT MAY-ARI NUNG COMPANY NA YON??" inis na sabat ng manager.

"Oo." simpleng sagot ni Joseph.

Natigilan ang manager...at nasabing..: "NAPAKAYABANG MO NAMAN MALAMANG NAGSISINUNGALING LANG ITONG TAO---" biglang sinapak ni Erik sa pagmumuka ang manager.

"Wala kang karapatang kontrahin yung suggestion nya dahil kung di dahil sa kanya baka patay na tayo, at kung di dahil sayo baka buhay pa yung kaibigan ko." sagot ni Erik sa manager na may halong galit at paghamak sa boses nito.

Roof Access Door

"Osige yun na ang gagawin natin, kesa nandito lang tayo, wala tayong mapapala dito pag nakatengga lang tayo." dagdag pa ni Gianne.

Maingat at tahimik nilang inalis ang mga nakaharang sa pintuan, at inobserbahan ang corridor ng 48th floor. Tahimik lamang at mukhang wala pang nakapasok na mga infected dito. Dahan-dahan silang lumabas at naglakad ng tahimik papunta sa elevator ng floor na ito. Sinubukan nilang buksan ang pintuan ng elevator ngunit mahirap itong buksan ng kamay lamang.

"Pahiram ng golf club" sabi ni Erik kay Sam na dala parin ang golf club na nakuha sa sporting goods floor kanina.

Sinubukan gamitin nina Joseph at Erik ang mga hawak na kutsilyo at bread knife para mabuksan ng kaunti ang pinto ng elevator at ginamit ang golfclub para tuluyan pa itong mabuksan ng mabuti. Tagumpay. Isa-isang umakyat sa guide rail ang mga ito, nauna ulit si Joseph, at sumunod ang mga kababaihan, sunod ay si Erik. Talagang sinadya nilang ipahuli ang manager na hindi rin nakakontra dahil galit ang grupo dito. Masama ang tingin nito kay Erik.

Patuloy na umakyat ang grupo sa guide rail hanggang sa maabot ang 50th floor. Nakabukas ng bahagya ang pintuan ng shaft sa floor na ito kung kaya't matatanaw ng kaunti ang corridor. Sinilip ni Joseph kung may mga infected ba sa loob nito. Mukhang wala. Sumenyas sya sa mga kasama na pwede silang pumasok at manatili paring tahimik.

— • —

Isa isa silang pumasok sa corridor galing sa elevator shaft ng 50th floor, tahimik parin at pa lingon lingon sila sa magkabilang dulo ng corridor, nagbabantay kung may mga infected ba dito. Huling nakapasok ng corridor ang manager.

Pag pasok nila ay itinuro ni Joseph ang daan papuntang staircase ng roof access door.

"ARAAAAY" biglang napasigaw si Erik, at napalingon ang mga kasama.

Ang di napansin ng grupo na pagtalikod ni Erik sa Elevator shaft, biglang humugot ng maliit na kutsilyo ang manager sa sapatos nito, at sinaksak sa binti si Erik. Bigla namang kumaripas ng takbo ang manager papuntang staircase ng roof access door sabay tulak sa mga kasamang nasa harap nya.

"UUUUGHHHHH!" pigil na pigil sa boses pero halatang namimilipit sa sakit si Erik.

**RAAAAAAAAAAAAAAAAAAAARGGHH**

Maraming mga sigaw ng mga halimaw ang narinig sa may bandang fire exit ng parehas ng floor.

Dali-daling inakay ni Joseph at Clarisse si Erik at nagtungo ang grupo sa staircase, nauna ang mga kababaihan at nahuli sina Joseph, Erik, at Clarisse.

Pag dating ng mga kababaihan sa tuktok, nakita nila ang manager na takot na takot at naihi na sa pantalon dahil sa gulat nito sa kanila, pinagpapalo, at pinaghahampas ito nila Jaz, Gianne, Frances, at Sam gamit ang hawak na baseball bat at frying pan, at may kasama pang sabunot at sampal sa muka. Hindi na sila nakapagpigil.

Nang mahimasmasan ang apat na kababaihan, sinubukan nilang buksan ang pinto ngunit nakalock ito.

**RAAAAAAAAAAAAAAARRRRRRRRGGHGHGH**

Lumakas pa lalo at mas malapit na ang sigaw ng mga infected.

Nakaabot na sina Joseph, Erik, at Clarisse sa tuktok at nakitang bugbog sarado ang manager. Napatingin sila sa apat na babae at hindi na nagtanong pa.

"Hindi namin mabuksan yung pinto, nakalock sya, walang susian, pero may digital lock." mangiyak-ngiyak na sabi ni Frances.

"Paano na natin mabubuksan, sinubukan namin yung pin katulad sa ibang door sa office pero hindi sya gumagana" nagaalalang sabi ni Sam.

"Baka pwede nating gamitin yung knife?" tanong ni Gianne

Iniupo ni Joseph at Clarisse si Erik sa isang step ng hagdan. Nilapitan ni Joseph ang lock.

"Yale Kyra Smart Lock. Ito yung pinili naming gamitin dito sa building dahil mura at kayang i-reset ng maintenance team sa loob ng battery compartment pag nakalimutan mo ang pin." sabi ni Joseph habang ginagalaw ang lock.

Paglipas ng ilang pang segundo. Pumindot siya ng PIN sa digital lock

**Click**

Bumukas na ang pinto. Agad namang lumabas ng roofdeck ang mga ito at inakay muli ni Joseph at Clarisse si Erik palabas ng roofdeck.

Ilang building mula sa kanila, matatanaw na ang isang Black Hawk helicopter, mukhang napansin narin sila nito.

Napatingin si Clarisse sa loob ng nakabukas na pinto ng roof access door, nandun pa nakaupo at naghihingalo ang manager.

Nakatayo lang si Clarisse at nagdadalawang isip kung tutulungan ba ito, ngunit sa kabila ng lahat ng nagawa nito at pati narin ang pagtrato nito sa kanya bilang isang empleyado, hindi nagawang kumilos ng mga binti nya.

Nakarating na at nag hover sa ibabaw ng office building ng One San-Gabriel building ang Black Hawk. Bumukas ang pinto nito at nag rappel ang mga sundalo at may hawak na rescue harness, ikinabit nila ito sa mga survivor. Unang itinaas si Erik na sugatan sa grupo. Sunod ay si Sam, tapos ay si Gianne. Napansin naman ni Frances na nakatayo lang si Clarisse at nakatingin sa pinto ng roof access door

"Clarisse! Halika na! Ikaw na ang susunod" Sigaw ni Frances

Tila hindi narinig ni Clarisse ang sigaw ni Frances. Nilagyan at naiakyat narin ng rescuers si Frances habang nakatingin at tinatawag nito si Clarisse.

"Clarisse tara na, kailangan na nating um-" naputol ang salita ni Joseph nang biglang tumakbo si Clarisse papunta sa manager upang tulungan ito.

Agad sinundan ito ni Joseph at Jaz, habang papalapit na sila ay tumayo din ang manager at pipilay pilay na lumabas ng pintuan. Kita narin sa likuran nito ang mga infected na nagkakandarapa sa pagakyat sa hagdan.

Napahinto si Clarisse sa nakita, at nang malapit na sa kanya ang manager, bigla siyang itinulak nito pabalik sa pintuan.

Nadapa si Clarisse. Mabilis na Tumakbo si Joseph at Jaz kay Clarisse at hindi na pinansin ang pilay na traydor na nakasalubong nila. Itinayo agad ni Joseph at Jaz si Clarisse ngunit natapilok pala ito at di makatakbo.

Binuhat agad ni Joseph si Clarisse sa likod habang nakaalalay si Jaz at tumakbo na silang tatlo pabalik sa rescuers. Nakatayo at nakalabas na ng pinto ang mga infected at pilit nang humahabol ang mga ito sa kanila.

Ibinato ni Jaz ang hawak niyang kawali sa mga ito na sya namang ikinatalisod bahagya ng mga nasa unahan na infected. Magkatabing tumatakbo si Joseph at Jaz at habang tumatakbo ay naabutan nila ang pipilay pilay na manager, nang uunahan na nila ito ay hinila nito si Jaz sa braso, ngunit kasabay nito ay sinapak ni Clarisse sa mata ang manager kaya't nabitawan din nya si Jaz at namilipit ang manager sa sakit. Patuloy silang tumakbo, at kinabitan ng harness ng mga rescuers.

Pinaputukan na ng baril ng mga rescuers ang ilang mga infected na nasa harap na malapit nang makahabol sa kanila habang kinakabitan ng harness ang mga grupo. Ang pipilay pilay na manager ay nakahawak sa mata at hirap lumakad. Nakaakyat na ang grupo sa Black Hawk. Ilang segundo pang hinintay ng natitirang rescuer ang manager ngunit halatang hindi na ito aabot sapagkat nasa likod na nya ang mga zombie.

Umakyat narin ng chopper ang rescuer.

Habang lumilipad papalayo ang chopper, makikita nang lahat na naabutan at unti-unting pinagkakagat ng mga halimaw ang manger, at kitang-kita sa mukha nito ang takot at paghihinagpis pero wala itong magawa.

Pilot: "Rescue package secured. Proceeding to extraction. ETA one hour."

Safe Haven

Kulang-kulang isang oras din sa himpapawid ang Black Hawk Helicopter na sinasakyan ng grupo. Maya maya ay nasa ibabaw na sila ng dagat.

"Nasaan si dad? Saan tayo pupunta?" tanong ni Clarisse sa isang sundalong rescuer.

"Nasa barko po ng Navy si General, ma'am. Dun po tayo papunta ngayon." sagot ng rescuer dito.

Ilang sandali pa ay matatanaw na ang BRP Bayanihan, isa sa mga newly commissioned floating military vessel, na nagsisilbi ring temporary base ng Navy at nilitary, malayo sa lupa at malayo sa kaguluhan.

Lumapag na ang Black Hawk sa BRP Bayanihan.

Habang bumababa sila sa chopper, sumasalubong naman sa kanila ang isang may edad ngunit matikas at halatang mataas na opisyal ng Military. Agad namang tumakbo si Clarisse palapit dito.

"DAD!!" sinalubong at niyakap nito ang ama habang panay ang iyak. Yumakap din ng mahigpit ang ama nito.

Lumapit ang heneral sa grupo habang akbay ang anak.

"Dad, sila yung nagligtas ng buhay ko dun sa office building. Kung hindi dahil sa kanila, hindi ako makakaakyat sa roofdeck." sinabi ni Clarisse sa ama.

"My ‘thank you’ is not enough for saving my daughter’s life. Gayunpaman, salamat sa inyong lahat. Halikayo at magpahinga muna sa loob." magalang na sabi ng Heneral.

Tinulungan ng iba pang personnel ng military at barko ang grupo. Pinatuloy sila dito at binigyan ng pagkain.

Sumaludo sa general ang isang babaeng doctor na sundalo, at lumingon sa grupo: "Pasensya na po kayo alam kong mahirap ang pinagdaanan ninyo, pero nasa protocol po namin na i-quarantine for 24 hours lahat ng mga bagong sasakay sa barko, for safety reasons."

Tumingin si Clarisse sa ama, at tumango naman ang ama nito na senyales na okay lang at wala siyang dapat ikatakot. Tahimik din namang sumunod ang grupo sa protocol.

— • —

Pagkatapos ay nagpahinga at umidlip na ang grupo sa mga kwarto sa isang isolated section ng barko kung saan nandun ang iba pang naka quarantine na rescued civilians at personnel. Si Erik naman ay dinala sa kahiwalay na parte ng Quarantine area upang lapatan ng karagdagang lunas para sa mga sugat niya.

Nakalipas ang isang buong araw, at lumabas na malinis ang resulta sa pag-test sa bawat miyembro ng grupo.

Nagising si Erik sa pagkakatulog at nag-iisa siya sa kwarto. Naisip niyang lumabas ng kwarto para hanapin ang mga kasama o iba pang tao sa barko. Tahimik at walang ka tao tao sa parteng ito ng quarantine bay. Sinilip ni Erik ang ibang kwarto, may ibang kwarto na may mga nakahiga at natutulog din na pasyente. Naghanap pa sya ng ibang daanan hanggang sa naligaw sya papunta sa lower deck ng barko.

"Hello? May tao po ba jan?" mejo madilim ang mga ilaw sa parteng ito ng barko. Nakakapagtaka na ang barko na napakaraming tauhan pagdating nila ay tila wala nang ka tao tao.

Bumaba siya sa hagdan. "Tao po?..."

Naglakad siya diretso sa corridor dahil mukhang may pintuan sa dulo nito na may ilaw.

Dahan-dahan siyang lumapit, sa dilim ng paligid, di nya napansin na may dahan-dahan ding lumalapit sa likod niya.

...Nang malapit na siya sa pintuan.

Kinagat sa leeg ng infected na nurse si Erik.

To be continued...
Written on March 11, 2025
Completed on August 19, 2025
Published on August 19, 2025